Filipino Fest 2025: Husay at Galing ng Centralyan sa Buwan ng Wika
August 22, 2025
Ipinagdiwang ng Calauag Central College (CCC) ang makulay at makabuluhang Filipino Fest 2025 bilang bahagi ng Buwan ng Wika na may temang “Paglinang sa Filipino at Katutubong Wika: Makasaysayan sa Pagkakaisa ng Bansa.” Ginawa ang pagdiriwang noong Agosto 15, 2025, alas-12:30 ng tanghali sa Jose E. Fernandez Memorial Stage, CCC Mt. Site.
Pinangunahan ng Filipino Department, katuwang ang mga guro at Torch Bearers’ Council (TBC), layunin ng selebrasyon na ipakita ang husay ng mga mag-aaral sa sining, panitikan, at kulturang Pilipino at higit pang palalimin ang pagmamahal sa wikang Filipino at katutubong wika.
Tampok sa programa ang iba’t ibang patimpalak gaya ng Awit ng Kundiman, Sabayang Pagbigkas, Pagsulat ng Maikling Kuwento, Pagsulat ng Tula, at ang inaabangang Balagtasan na may pamagat “Kalikasan at Kaunlaran: Makatuwang o Magkalaban Tungo sa Pambansang Kasaganaan” ni Patrocinio V. Villafuerte.
Sa Awit ng Kundiman, inawit ng mga kalahok ang mga tanyag na kanta ni Freddie Aguilar na umantig sa puso ng mga manonood at nagbigay-diin sa pagmamahal sa bayan. Umangat din ang Sabayang Pagbigkas, kung saan ipinakita ng bawat grupo ang galing sa koordinasyon at damdaming Pilipino, na umani ng masigabong palakpakan mula sa mga dumalo.
Isa sa mga tampok na bahagi ng programa ang Balagtasan na pinagbidahan ng mga high school students. Tinalakay nila ang isyu kung dapat bang magsabay ang pangangalaga sa kalikasan at pagsulong ng kaunlaran, o kung ang isa ay nagiging hadlang sa isa. Sa husay ng pananalita at matatalim na katuwiran, nagningning ang talento at talino ng mga kalahok.
Nagbigay-kulay din sa pagdiriwang ang Bayani Kalook-a-like Contest, kung saan nagbihis ang mga estudyante bilang mga bayaning Pilipino. Ito ay nagsilbing makabuluhang paraan upang sariwain ang kasaysayan at kabayanihan.
Nagpahayag ng kasiyahan ang mga kalahok at manonood, na nagsabing higit pa sa tropeo at gantimpala ang kanilang nakuha sapagkat ito ay nagsilbing inspirasyon upang patuloy na pahalagahan ang wika, kultura, at kalikasan.
Sa tagumpay ng Filipino Fest 2025, muling pinatunayan ng mga #CentralYan na buhay, matatag, at patuloy na yumayabong ang pagmamahal ng kabataan sa wika, panitikan, at bayan.
-Ulat ni Jade Obniala, mga larawang kuha nina Reuel Josh Anda at Hollie Rose Seguerra




















